Mon, 10 Aug 2020

Tagalog News: Bulacan Sports Academy, itatatag ng Kapitolyo

Philippine Information Agency
15 Dec 2019, 22:38 GMT+10

Nakiisa si Olympian Silver medalist Mansueto Velasco (pangalawa mula kanan) sa ginanap na 2nd Bulacan Sports Summit sa lungsod ng Malolos na inorganisa ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office at Bulacan Sports Federation Council. Sa nasabing summit iprinisinta ang pagtatatag ng Bulacan Sports Academy ngayong 2020 bilang tuluy-tuloy na programa upang lalong maitaas ang antas ng kakayahan ng mga Bulakenyong atleta. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS, Disyembre 15 (PIA) -- Nakalatag na ang plano ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang simulan ang pagtatatag ng Bulacan Sports Academy ngayong 2020.

Ayon kay Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office head Elizabeth Alonzo, iyan ang pangunahing programa ni Gobernador Daniel R. Fernando upang maging tuluy-tuloy ang pagsasanay ng mga Bulakenyong atleta.

Lumabas sa mga usapan sa katatapos na 2nd Bulacan Sports Summit na karaniwang nagkakaroon ng pagsasanay ang mga atleta tuwing may paparating na kumpetisyon.

Ngunit kapag normal na mga panahon, hindi nagiging tuluy-tuloy ang mga pagsasanay o kaya naman ay nahihinto.

Kaya naman sa pagtatatag ng Bulacan Sports Academy, binigyang diin ni Alonzo na isa itong pagkakataon upang mapatibay ang curriculum sa Physical Education at Recreation pati na sa mga pampublikong paaralan.

Magiging malaking tulong din aniya ito upang maging prayoridad at matutukan sa pagsasanay sa mga atletang Bulakenyo ang mga laro kung saan may malakas na potensyal kabilang na ang Boxing, Baseball Softball at Swimming.

Samantala, nakiisa si Olympic Silver medalist Mansueto Velasco sa ginanap na 2nd Bulacan Sports Summit.

Pinayuhan naman ni Velasco ang mga bagong sumisibol at kasalukuyang mga atleta, na manatili ang kababaan ng loob kahit na umabot na sa tugatog ng tagumpay.

Kasalukuyang katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan si Velasco bilang bahagi ng celebrity Basketball Team ng programang "Bola Kontra Droga" na inilunsad kamakailan ni Fernando. (CLJD/SFV-PIA 3)

More Delhi News

Access More

Sign up for Delhi News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!